The West Philippine Sea is ours to protect. Our waters, our livelihood, our future
- Kyle Uchino
- Jan 21
- 2 min read

Para sa Gen Z, Millennials, at sa kabataang patuloy na naghahanap ng saysay sa mundong magulo, hindi ito liham ng eksperto, pulitiko, o history book. Liham ito ng isang kapwa Pilipino na naniniwalang may pakialam pa tayo sa Pilipinas.
Ang West Philippine Sea ay hindi lang linya sa mapa o balitang paulit-ulit na naririnig hanggang maging background noise. Ito ay buhay. Ito ay kwento ng mga mangingisdang umaalis ng madaling-araw na may kaba kung makakauwi pa, kung may mahuhuli pa, kung may karapatan pa silang mangisda sa sariling dagat.
Para mas maintindihan natin, ang usapin ng West Philippine Sea ay parang relasyon. Imagine mo, may partner kang matagal mo nang mahal, pinagkakatiwalaan mo, at iniingatan mo. Tapos biglang may iba siyang ginagawa sa likod mo. Kinukuha ang kung ano ang sayo, sinisira ang tiwala mo, at ni hindi ka binibigyan ng respeto. Ganun ang nangyayari sa West Philippine Sea. Ang China ay parang yung cheater na gaslighter sa relasyon. Pinapasok ang sarili niya sa teritoryo natin, kumukuha ng yamang-dagat, at binabaliwala ang karapatan natin na magpasya sa sariling lugar. Sinabi na nga ng 2016 Arbitral Award at ng iba pang international agreements na walang basehan ang claims ng China sa West Philippine Sea pero patay malisya pa rin siya.
Ngayon, bakit tayo dapat makialam? Kasi habang tahimik tayo, unti-unting inaagaw ang ating teritoryo, dignidad, mga isda, dagat, kabuhayan, at kinabukasan. At kung ngayon pa lang eh sanay na tayong manahimik at mag-scroll lang, anong klaseng bansa ang maiiwan natin sa susunod na henerasyon?
Hindi ito usapin ng pagiging makabayan online o pakikipag-away sa comments. Usapin ito ng konsensya, usapin ng tanong kung hanggang saan tayo papayag. Sa isang relasyon ba papayag ka na pagtaksilan at lokohin ka? Di ba hindi. Hindi kailangang sumigaw pero kailangan magsalita, magbasa, magtanong, magbahagi ng totoo, i-challenge ang maling impormasyon, makinig sa mga direktang apektado. Gamitin natin ang boses, platform, at impluwensyang meron tayo kahit gaano kaliit dahil kapag pinagsama-sama, nagiging malakas.
Sa mundong sanay sa mabilisang content at instant reactions, ang paninindigan ay isang uri ng tapang. At ang pakialam ay isang anyo ng pagmamahal sa bayan. Hindi natin kailangang maging perpekto kundi kailangan lang nating piliing hindi maging manhid.
Ang West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno. Laban ito ng bawat Pilipinong naniniwalang may karapatan tayong tumayo, magsalita, at ipaglaban ang kung ano ang atin. Kung sa isang relasyon nga ay kaya natin makipag away at bakuran ang ating minamahal, kaya rin natin ipaglaban ang West Philippine Sea.
Kaya ang tanong, sa panahong ito ng ingay at katahimikan, saan tayo lulugar?
May pakialam pa ba tayo or hanggang scroll na lang?



Comments